Bagamat naipakita ng pelikula na wasto at makatarungan ang ginagawa ng mga aktibista, mas madiin ito sa pagsasabi ng isang punto: Na kung inaakusahan man sila ng kung anong kasalanan ng Estado, hindi sila dapat basta na lang dukutin o barilin, kundi litisin at ipakulong. Ito naman talaga ang pagtinging mas makakahatak sa mas marami para tumutol at lumaban sa pagdukot at pagpaslang sa mga aktibista.
Tiyak, gayunman, na mapapaisip ang mga nagpasyang maging kritikal sa pelikula kung bakit pinatay ng kapatid ni Junix ang militar na bagamat oo nga’t nagtortyur at pumatay sa kanyang kapatid ay dapat din sigurong iharap sa batas at parusahan batay dito. Hindi ba’t labag ito sa sinasabi ng pelikula?
Dito hirap ang maraming liberal sa bansa: ang igiit ang dapat habang kinikilala ang totoo – ang igiit na dapat parusahan sa batas ang mga inaakusahang nagkasala rito habang kinikilalang marami ang gumagamit ng dahas labas sa Estado para maghanap ng katarungan sa mga pandarahas ng militar.
Ano ang kaibahan ng liberal at Marxista?
Kapag nakakita sila ng pulubi sa kalsada…
Sasabihin ng liberal: Hindi gumagana ang sistema.
Sasabihin ng Marxista: Gumagana ang sistema.