Ang Pakikipagkaibigan
5 Ang magiliw na tinig ay nakakaakit ng maraming kaibigan,
at ang matamis na pananalita'y susuklian ng magandang sagot.6 Makipagbatian ka sa maraming tao,
ngunit isa lamang sa sanlibo ang hihingan mo ng payo.7 Bago ka makipagkaibigan kaninuman, subukin mo muna siya,
at huwag mo siyang pagtitiwalaan agad.8 Sapagkat may mga kaibigang mapagsamantala
na di mo maaasahan sa oras ng pangangailangan.9 May kaibigang hindi nagtatagal at nagiging kaaway mo,
at ibubunyag pa niya ang pagkakagalit ninyo,
palalabasin ka pa niyang kahiya-hiya.10 Mayroon ding kaibigang kasalu-salo mo sa pagkain,
ngunit pababayaan ka sa oras ng kagipitan.11 Sa kasaganaan, didikit siya sa iyo na parang anino,
uutusan niya pati ang mga katulong mo;12 ngunit sa kasawia'y pababayaan ka niya,
pagtataguan ka, at di mo na siya makikita.13 Lumayo ka sa kaaway,
at mag-ingat ka sa kaibigan.14 Ang matapat na kaibiga'y parang matibay na kanlungan,
kapag nakatagpo ka ng tulad niya'y para kang nakahukay ng kayamanan.15 Walang kasinghalaga ang matapat na kaibigan;
hindi siya matutumbasan ng gaano mang salapi.16 Ang matapat na kaibiga'y parang gamot na nagbibigay-buhay,
at siya'y matatagpuan lamang ng mga may paggalang sa Panginoon.17 Ang may paggalang sa Panginoo'y makakatagpo ng tapat na kaibigan,
at ang mga kaibigan niya'y tulad niyang may paggalang sa Panginoon.