Kung ikaw ay nagsusuot ng contact lens, iwasan muna ang paglagay nito sa mata kung may sore eyes. Gamitin muna ang salaaming may grado habang hindi pa gumagaling ang mga mata. Dapat bang patakan kaagad ng gamot o ano mang eye drop preparation ang mata? Magdahan dahan muna. Sabi ng ilang nakatatanda, patakan daw ng gatas ng ina ang matang namumula, ngunit ito ay hindi ipinapayo ng mga doktor. Maari kasing mas makadagdag ito sa impeksyon. Ang mga nabibili namang antibiotiko na pinapatak sa mata o ang mga over-the-counter (OTC) eye preparation ay hindi rin kaagad rekomendado. Bakit? Dahil importanteng malaman muna ang dahilan ng pamumula. Ang pamumula ng mata dahil sa allergy o sa puyat ay maaring matugunan ng mga OTC eye drops. Siguraduhin lamang na walang steroids o antibiotiko ang nasabing pampatak sa mata dahil baka mas lalo itong makasama. Kung ito naman ay viral conjunctivitis, kusa itong gagaling matapos ang ilang araw o lingo. Hindi nangangailangan ng antibiotikong pinapatak sa mata dahil hindi naman tumatalab ang antibiotiko sa virus. Kung sakali mang may kasamang dilaw na pagmumuta at malaki ang suspetsang maaring sanhi ito ng bacteria, huwag mag atubiling magpakonsulta. Maaring kailangang suriin ng espesyal na kagamitan ang inyong mata. May ilang bacteria o mikrobyo kasing mabilis makasira ng mata lalo na pag kumalat ang impeksyon. Ang ganitong klase ng sore eyes ay nangangailangan na ng antibiotikong gamutan. Tanging doktor lamang ang makapagsasabi ano nga ba ang nararapat na gamot. Huwag mag eksperimento. Isang espesyal na paalala: May sakit sa mata na tinatawag na glaucoma. Ito rin ay maaring magpresinta ng sintomas gaya ng pamumula ng mata. Kung hindi tiyak sa dahilan ng pamumula ng mata, komonsulta kaagad sa inyong doktor.