Kapag ang sintomas na kasama sa pamumula ng mata ay ang pangangati, klarong pagluluha ng mga mata, sipon, at ubo, na pabalikbalik at kalimitang umaatake kapag magabok o tuwing namumulaklak ang mga halaman, maaaring allergy ang dahilan. Kung may kasamang paghapdi, pangangati, klarong pagluluha o pagmumutang kulay berde-dilaw, sensitibo sa ilaw, at pamamaga, maaaring sore eyes itong nakakahawa. Ang kalimitang sanhi ng nakakahawang sore eyes ay virus. Tinatawag itong viral conjunctivitis. Tumatagal ito ng mga ilang araw hanggang isang lingo. Mabilis itong makapanghawa kung kaya pinapayong huwag kusutin ang matang apektado at ugaliing maghughas ng kamay gamit ang tubig at sabon tuwing may pagkakataon. Ang isang uri ng sore eyes ay tinatawag naman bacterial conjunctivitis. Halos magkasingtulad rin sila ng sintomas ng viral conjunctivitis ngunit mapapansing may nana o paninilaw na muta kung may bacterial conjunctivitis. Kalimitan sa mga may ganitong impeksyon ay nakakaramdam din ng parang pagkapuwing at matinding pananakit ng mata. Sa ganitong pagkakataon, kailangang komunsulta kaagad sa isang doktor na dalubhasa sa mata o ophthalmologist. Nakukuha ba ito sa titig? May sabi-sabi na ang sore eyes ay makukuha sa pamamagitan ng pagtitig sa isang taong may sore eyes. Wala itong katotohanan. Ang viral o bacterial conjunctivitis ay parehong nakakahawa kung may direktang kontak sa katas, muta, bahid mula sa apektadong mata. Halimabawa, ang kamay o panyo na ginamit ng isang taong may sore eyes ay maaring maihawak sa bukasan ng pinto (door-knob). Kung may ibang hahawak rin ng bukasan ng pinto at magkataong ikusot nya ang ipinanghawak na kamay sa mata, maaring mahawa rin siya. Kaya isa sa maipapayo kontra sa sore eyes ay ang pagiwas sa paghawak o pagkusot ng mata. Pinaka importante rin ang maayos na paghuhugas ng kamay.