EP, ARALIN 5: "Dignidad ng Tao"PANTAY NA PAGKILALA SA DIGNIDAD, SA KAPWA IGAWAD


SUBMITTED BY: noelcute03

DATE: Oct. 28, 2016, 1:28 a.m.

FORMAT: Text only

SIZE: 4.5 kB

HITS: 2472

  1. EP, ARALIN 5: "Dignidad ng Tao"PANTAY NA PAGKILALA SA DIGNIDAD, SA KAPWA IGAWAD “Huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin ng iba sa iyo.” Kung ano ang makakasama sa ‟yo, makasasama rin ito sa iyong kapwa. Kung ano ang makabubuti sa ‟yo makabubuti din ito sa kanya. Bakit nga ba kaibigan? Sapagkat siya ay iyong kapwa-tao. Magkapareho ang inyong kalikasan bilang tao. Ito ang sinasaad sa gintong aral (Golden Rule) na kinikilala ang karapatan ng bawat indibidwal sa paggalang ng kanyang kapwa. Hindi nga ba‟t ito rin ang utos ng Diyos sa tao? Sinabi niyang “mahalin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmamahal mo sa ‟yong sarili.” Mahalin mo ang kapwa kapantay ng iyong pagmamahal sa sarili: Nangangahulugan ito ng pagkilala sa dignidad na taglay ng lahat ng tao. Nilikha ng Diyos ang lahat ng tao ayon sa kanyang wangis. Ibig sabihin, ayon sa kanyang anyo, katangian at kakayahan. Samakatwid, ang dignidad ng tao ay nagmula sa Diyos; kaya‟t ito ay likas sa tao, hindi nilikha ng lipunan at ito ay pangkalahatan, ibig sabihin taglay ng lahat ng tao Ang dignidad ay galing sa salitang Latin na dignitas, mula sa dignus, ibig sabihin “karapat-dapat”. Ang dignidad ay nangangahulugang likas na karapatan ng bawat indibidwal sa paggalang ng kanyang kapwa. Lahat ng tao, anuman ang kanyang gulang, anyo, antas ng kalinangan at kakayahan ay may pantay-pantay na dignidad. Ang tao ay karapat-dapat sa paggalang at pagpapahalaga ng ibang tao. Bakit? May mga katangian na nagpapabukod-tangi sa tao sa ibang nilikha. Bakit ang tao ay TAO at hindi bagay o hayop? Sapagkat ang tao ay may rasyunal na kalikasan, ang tao ay rasyunal na nilikha. Ibig sabihin ang kalikasang ito ang nagbibigay sa tao ng kakayahang mag-isip, mangatwiran, maglimi at pumili nang malaya. Ang tao ay may likas na kakayahang hubugin at paunlarin ang kanyang sarili dahil dito. Hindi man agad nagagamit ng ilan ang kakayahang ito katulad ng mga bata, ang pagiging bukod tanging tao ang mabigat na dahilan ng kanyang dignidad. Hindi ito mawawala sa tao sapagkat hindi mababago ang kanyang kalikasan bilang tao. Dahil sa dignidad, lahat ay nagkakaroon ng karapatan na umunlad sa paraang walang maapektuhan. Nangingibabaw ang paggalang at pakikipagkapatiran, dahil sa mata ng Diyos, magkakapantay ang lahat. Samaktuwid, may tungkulin ang bawat isa sa atin na ituring ang ibang tao bilang kapwa na katulad natin, na may dignidad. Ayon kay Propesor Patrick Lee, ang dignidad ang pinagbabatayan kung bakit obligasyon ng taong:
  2. Igalang ang sariling buhay at buhay ng kanyang kapwa.
  3. Halimbawa nito, sa kabila ng kahirapan sa buhay, hindi gagawin ng isang tao ang magbenta ng sariling laman o magnakaw na nagpapababa ng sariling pagkatao. Gayundin, ang iyong kapwa ay hindi gamit lamang na dapat gamitin para sa sariling kapakinabangan.
  4. Isaalang-alang ang kapakanan ng kapwa bago magsagawa ng kilos.
  5. Karaniwang naririnig mula sa matatanda na bago mo sabihin o gawin ang isang bagay ay makasampu mo munang isipin. Ano ang magiging epekto sa iba ng iyong gagawin? Nararapat pa ba itong gawin o hindi na?
  6. Pakitunguhan sila ayon sa nais mong gawin nilang pakikitungo sa‟yo.
  7. Ang paggalang, respeto sa karapatan, pagmamahal, pagpapahalaga sa buhay, kapayapaan, katotohanan ay ilan sa mga nais mong kilalanin ng iba sa pakikipag-ugnayan sa ‟yo. Ang mga ito rin ang kailangan ng iyong kapwa.
  8. Paano mo ba maipakikita ang pagkilala at pagpapahalaga sa dignidad ng isang tao? Una, pahalagahan ang tao bilang tao, hindi isang bagay o behikulo upang isakatuparan ang isang bagay na ninanais. O dahil siya ay nagtataglay ng mga katangiang mapakikinabangan. Hindi pinahahalagahan o iginagalang ang tao dahil siya, halimbawa, ay isang propesyonal na maaaring magamit upang isakatuparan ang isang gawain. Wala man siyang tinapos na kurso, siya man ay bata o may espesyal na kondisyon, ay nararapat na igalang. Ikalawa, ang paggalang at pagpapahalaga sa dignidad ng tao ay ibinibigay hangga‟t siya ay nabubuhay. Patuloy na isinasaalang-alang at hinahangad ang mabuting kapakanan ng kapwa. Halimbawa, ang pagmamahal ng anak sa magulang ay dapat hindi kondisyonal. Hindi nababawasan ang paggalang ng anak sa kanyang mga magulang kahit ang mga ito ay matanda at mahina na. “Gawin mo sa iyong kapwa ang nais mong gawin ng iyong kapwa sa iyo”. Kung naghahangad ka ng pansariling kabutihan ang iyong kapwa ay ganundin para sa kanyang sarili. Kung ito ay kikilalanin ninyong pareho siguradong magiging payapa ang inyong mundo.

comments powered by Disqus